Ni Walden Bello*
Rappler, Oct 3, 2017
Dahil sa pagkabahala sa papalakas na oposisyon sa kanyang gobyerno, maaari itong magkamali sa pagtaya sa sitwasyon at ideklara ang batas military; mapapabagal nito ang pagdausdos sa mas malala pang krisis ngunit baka nga mas mapabilis pa, di man madalian ngunit sa di-malayong hinaharap.
Hindi dapat ipagkamali na padausdos na si Rodrigo Duterte, ngunit ang prosesong ito ay makakalikha ng isang mapanganib na panahon sa bansa, dahil maaaring ang hakbang ng presidente ay matindi tulad ng batas militar upang mapigilan ang krisis.
Ano ang nabago nitong nakaraang mga linggo? Ito ay may kaugnayan sa tinatawag nating “moral momentum,” gaya sa basketball. Ito ay isang kondisyon na hindi nakikita ngunit nararamdaman. Noong nagsimula ang administrasyon niya, may moral momentum si Duterte na naibigay ng kanyang nakuhang 40 porsyento na boto noong Mayo 9, 2016. Dahil dito nalagay siya sa opensiba nitong unang taon niya, at ito ay ginamit niya upang lapastanganin ang karapatang pantao at mga ligal na proseso sa aspeto ng gyera laban sa droga, at gawing sunud-sunuran lang ang Konggreso, habang isinantabi ang Korte Supremo, at pinatahimik, tinakot ang pamunuan ng Simbahang Katolika.
Ang momentum ding ito ang nagbigay sa kanya nang tila matibay na depensa kaya’t nagawa ng kapulisan ang mga pagpatay, tinatakan bilang di-tao ang mga drug addict, nagawang katawa-tawa lamang ang isyu ng rape, at naipakulong si Senador Leila de Lima sa pamamagitan ng inimbentong kaso ngunit sa totoo, ito’y personal na paghihiganti. Parang walang maaaring makagalaw sa kanya at ang kapangyarihang ito na ipinamalas sa mga taga-sunod niya lalo na sa social media ay nagpatapang sa marami na manakot, mandahas, magbanta sa facebook, tulad nang naranasan ng mga mamamahayag na tulad ni Raissa Robles at Maria Ressa. Ginamit din nila ang banta ng rape bilang anyo ng pananakot at pandarahas sa social media kay Senador Risa Hontiveros.
Ngunit katangian din ng moral momentum na madali itong mawala o maglaho dahil sa kombinasyon ng iba’t ibang pangyayari at elemento o salik. Maaaring malakas ito ngayon ngunit bukas ay nakalutang na uli ang sitwasyon.
Ang Pagkawala ng Moral Momentum
Maaaring pagtalunan pa kung kalian nawala ang moral momentum ni Duterte, ngunit sa pagtingin ko ang dahilan nito ay siya ring dahilan ng paghina ng kapangyarihan ng mga ambisyosong awtoritaryan sa kasaysayan: ang pagmamalabis. Ang pagtingin na walang hangganan ang maaaring gawin ng isang nasa kapangyarihan na nakita sa mga pangyayari nitong Agosto at Setyembre ang simula nang pagbagsak ni Duterte.
Nariyan ang balitang 81 katao ang pinatay sa loob lamang ng apat na araw ng operasyon ng mga pulis noong kalagitnaan ng Agosto, sinundan nang nakababahala pang pagkamatay ng mga kabataang sina Kian delos Santos, Reynaldo de Guzman, at Carl Angelo Arnaiz; at ang pagdukot at pagpatay kay Kian ay natala sa CCTV. Ang pagkagulat ay naging pagkagalit, kahit na sa hanay ng mga taga-suporta ni Duterte; ang kasiyahan ay naging pagkalito, at nakita ito sa malaking pagbaba ng bilang ng mga facebook posts na nagtatanggol sa rehimen.
Sinundan ito ng eskandalo tungkol sa shabu na nagkakahalagang P6.4 bilyon na kinasangkutan ng anak ni Duterte na si Paolo; tahimik ang presidente tungkol sa isyung ito. Pagkatapos nito ay binigyan ng Konggreso ng P1000 badyet ang Komisyon sa Karapatang Pantano para sa taong 2018, at kamakailan, binantaan ni Duterte na papaimbestigahan ang opisina ng Ombudsman bilang ganti sa desisyon nitong imbestigahan ang yaman ng presidente.
Kung dati’y paghanga ang nakukuha ng presidente, ang ipinakita ng mga pangyayaring ito ay ang paggamit ng kapangyarihan ng presidente, ang kanyang pagtingin na siya ay di sakop ng batas, at maaarin gawin lahat ng gusto. Nabawasan ang mga pumapalakpak, at ang natira ay ang mga die-hard na lang na natutuwa sa kanyang mga drama, tulad nang paghamon kay SC Justice Maria Lourdes Sereno at Ombudsman Conchita Carpio Morales na magbitiw sa puwesto kasabay niya.
Kakaunti ang ‘Sundalo’ sa Larangan
Matalas na pulitiko si Duterte kaya’t hindi maaaring hindi siya nag-aalala sa mga mobilisasyon noong Setyembre 21; sa katunayan, upang mapahina ang magiging epekto nito, idineklara niya itong “araw ng protesta”. Hindi lamang ang libu-libong kataong pumuno sa Mendiola, Luneta at lugar ng Komisyon sa Karapatang Pantao ang nakabahala kay Duterte, kundi ang maliit na bilang na namobilisa sa rali mula sa hanay ng kanyang mga taga-suporta sa kabila nang ibinuhos na pera rito. Marami sa kanila ang mga empleyado ng gobyerno na mula sa Caloocan at San Jose del Monte, na dinala pa ng mga bus mula sa kanilang mga lugar.
Ayon sa mga surbey, nananatiling popular si Duterte, ngunit hindi ibig sabihin na gusto pa rin ng mga taong ibigay ang kanilang katapatan sa kanya, mas lalo pang hindi na handa ang mga taong ipagtanggol siya. Maaaring matapang at palaban ang kanyang mga taga-suporta sa facebook, ngunit hindi sila mga aktibista ng lansangan. Mga cyberwarriors ito, at nakakapagtago sa fasebook, ngunit hini alam ang isisigaw at gagawin sa mga rali.
Ayon kay Dr. Herbert Docena ng Unibersidad ng Pilipinas, may implikasyon ang di-pagiging aktibista ng mga taga-suporta ni Duterte: “Ano ang sinasabi nito sa atin? Kung ihahambing sa kanyang mga idolo (Mussolini at Hitler), mahinang klaseng manggagaya lamang si Duterte. Pumopostura siyang pasista, ngunit hindi naman kayang maging mahusay na pasista. Positibo ito para sa malalalimang pag-oorganisa. Ipinakita kahapon ng rali hindi lang kung gaano kalakas ang pagtutol at maaari pang lumakas, nakita rin kung gaano kahina si Duterte at humihina ang suporta sa kanya. Umaasa ang kanyang rehimen sa pwersa o pamimilit at hindi sa aktibong suporta ng mga tao; magaling siyang magpapatay ngunit hindi ang magbigay ng inspirasyon para mapakilos ang mga tao’t ipagtanggolg siya. Hindi na ito kwestiyon ng kung babagsak ba ang kanyang rehimen, kundi kalian—at ano ang papalit.”
Nagigising si Duterte sa katotohanang hindi permanente ang popularidad, at kung walang base sa mga masa, maaari niyang haraping ang mga kilusang tulad ng mga naging protesta sa EDSA at nagpabagsak sa ibang predisente. Itinutulak ni Kalihim ng Cabinet, Jun Evasco, ang Kilusang Pagbabago, isang pormasyon ng mga masa na may katangiang pasista, ngunit maliit ang nakuhang suporta ng inisyatiba sa Presidente, pati sa aspetong pondo, at ang mga alyadong pulitiko tulad ng pamilyang Pimentel at Speaker Pantaleon Alvarez ay nag-aalala na baka palitan ng KP ang namumunong partido, PDP-Laban. Maaaring huli na sa puntong ito ang pagpapasigla sa KP.
Batas Militar bilang Hakbangin
Sa paglakas ng pagtutol na nakita noong mga rali ng Setyembre 21, maaaring mabilisin ni Duterte ang pagdeklara sa batas military sa buong bansa upang isulong ang kanyang agenda bilang isang awtoritaryan. Kahit pa makuha niya ang suporta ng Konggreso at ng Korte Suprema, magkakaroon ng reserbasyon ang mga matataas na opisyal ng militar dahil wala silang sapat na rekurso lalo na mga tao para sa isang pambansang batas militar. Alam din ng mga heneral na ang tiyakk na paraan para magkaroon nang pagtutol sa hanay ng mga junior na sundalo ay makita na ang kanilang mga pinuno ay kakutsaba ni Duterte para gawing personal na instrument ang AFP.
Ngunit dahil sa palakas ng opisisyon, maaaring magkamali ang pagtaya ni Duterte sa sitwasyon at magdeklara nga ng batas militar upang panandaliang pabagalin ang pabulusok sa krisis, ngunit ang magiging resulta ay pagpapabilis pa nang pagbagsak niya.
Ang Pitong Representasyon ng Kasamaan
Nagbabago ang sitwasyon sa pulitika, maaaring maging mabilis ito or mas bumagal, may urong-sulong sa mga kondisyon, ngunit ang mas tiyak ay pababa ang direksyon ni Duterte.
Isang indikasyon na nagbabago ang ihip ng hangin ay ang aksyon ng pitong Senador na taga-sunod ni Duterte. Nagtataka ang ilan kung bakit galit ang pito—Sotto, Gordon, Villar, Pacquiao, Pimentel, Zubiri—nang hindi isinama ang kanilang mga pirma sa resolusyon ng Senado na kumokondena sa pagpatay ng mga menor de edad sa ilalim ng gyera sa droga ni Duterte. Bakit may “privilege speech” pa si Sotto tungkol sa isang blog kung saan tinawag siya at mga nasabing senador na mga aso ng Malacanang? Simple lang. Naamoy na nila, dahil sa pagiging oportunista, kung saan umiihip ang hangin; na nalalantad na ang kahinaan ng padron nila, at panahon na para sabihing distansya, amigo.
Huli na. Nakatatak na sa inyo ang tattoo ni Duterte, at tulad ng tattoo ng triad, di ito nabubura.#
*National Chairman ng Laban ng Masa
The original Facebook post is here https://web.facebook.com/walden.bello/posts/10155252284049332
No comments:
Post a Comment