Showing posts with label BMP. Show all posts
Showing posts with label BMP. Show all posts

Friday, July 2, 2021

REPOST: Sa Pagpanaw ng dating Pangulong Noynoy Aquino - Ka Leody de Guzman

Sharing this very well-written post from BMP chair Leody de Guzman, one of the best on P-Noy's recent passing. The original post is here

Hindi madaling magsulat ng "eulogy" sa mga kontrobersyal na personalidad sa kasaysayan, laluna sa lipunang may nagtutunggaling mga interes at mga uri.

Sa pagpanaw ng mga natatanging mga indibidwal mula sa kampo ng naghaharing uri o mga kilusang lumalaban sa kanilang paghahari, tiyak na anumang salita para sa yumao ay aani ng reaksyon (kundi man mariing pagtutol) sa anumang kampo.
Ganunpaman, kailangang sabihin ang dapat sabihin bilang tanda ng pagkilala (at respeto) sa isang kababayang nagmarka sa ating kasaysayan. Igawad ang rekognisyon sa ilang piling mga indibidwal na naregaluhan ng pambihirang mga istorikal na oportunidad na kanilang yinakap at sinunggaban.
Sa pamilya Aquino, ipinaabot ng Bukluran ang taos-pusong pakikiramay sa pagpanaw ng dating pangulong Noynoy. Anuman ang ating mga pinagdaanang mga hidwaan (at gaano man ito kalalim), hindi kami nakalilimot sa pinagdaanang sakripisyo ng inyong pamilya sa ilalim ng diktadurang Marcos.
Maging sa aking personal na karanasan, bilang bahagi ng henerasyon ng manggagawa na unang nagising sa mga politikal na katotohanan sa kasagsagan ng diktadurang Marcos, humanga ako sa katatagan ng inyong pamilya sa kabila ng inyong pinagdaanan sa mga kampon ng pasistang rehimen. Sariwa pa sa aking isipan ang unang protesta na aking nadaluhan - ang martsa mula Tarlac to Tarmac - bilang kondemnasyon sa asasinasyon ni Ninoy noong 1983.
Ngayon, kung inyo pong mamarapatin, hinihiling po naming maunawaan ninyo ang mga bumabatikos kay Noynoy (at marahil ay nauungkat pa ang mga isyu't usapin sa termino ng kanyang inang si Ginang Cory) sa panahong ito ng inyong pagluluksa at pagdadalamhati.
Hindi hinihingi ng ating mga kababayan na maging perpekto si Noynoy. Iyan po ay imposible. Lahat tayo ay may bahid, may kahinaan, may pagkukulang, may kamalian at may kasalanan.
Nagpapaalala lamang ang ating mga kababayan na huwag malilimutan ang mga kamalian. Hindi pa ni Noynoy bilang indibidwal kundi ng mga kontra-manggagawa't kontra-mamamayang interes at patakaran ng kanyang itinaguyod noong maluklok siya bilang pinakamakapangyarihang tao sa bansa.
Kung karakter at pagkatao, malayong-malayo si Noynoy sa ibang mga pangulo laluna kay Marcos at Duterte, mga personaheng sakim sa absolutong kapangyarihan. Subalit siya ay hindi naiiba sa lahat ng mga presidente ng bansa na ang kinikilingan ay ang interes ng mga kapitalista, asendero, bangkero, at negosyante kumpara sa manggagawa't maralita sa lungsod at kanayunan. Tulad ng iba, si Noynoy ay pabor din sa kontraktwalisasyon, liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon, di-pagpapatupad sa repormang agraryo, regresibong pagbubuwis, atbp.
Ang malubhang mga epekto ng mga maling desisyong ito ang siyang ginatungan nila Duterte-Marcos-GMA, ang pinakareaksyonaryo at pinakaatrasadong seksyon ng naghaharing uri sa bansa, kaya nila naagaw ang estado power noong halalang 2016.
Huwag niyo sanang masamain ang pagpapahayag ng ating mga kababayan sa naturang mga kritisismo. Tulad lamang ito ng sinasabi natin noon sa mga Marcos, na kung obligahin man tayo ng ating mga paniniwala na magpatawad, hindi po ito nangangahulugang tayo ay makakalimot. Ito ang diwa ng panawagang sabay nating sinasagot sa pamilya ng yumaong diktador: "Never forget, never again".
Ang pagkilala sa kamalian at kahinaan ang unang hakbang ng pagwawasto't pagbabago; at aplikable ito kaninuman, hindi lamang sa pamilya Marcos at Aquino kundi maging sa mga rebolusyonaryong kilusan, para makintal ang mga aral sa kolektibong memorya ng buong mamamayang Pilipino.
At ngayong nahaharap ang ating bansa sa klase ng pamumuno na tila nanunumbalik (at sa ibang mga aspeto'y hindi lang bumabalik kundi sumasahol pa nga) ang otoritaryanismo at tahasang diktadura, makakaasa ang inyong pamilya, na kung sinuman sa inyo ang tatahak muli sa landas ng pagtatanggol sa ating mga demokratikong karapatan at kalayaang sibil, maluwag sa loob silang tatanggapin ng kilusang manggagawa at ng kilusang masa sa ilalim ng iisang bandera para sa demokrasya't kalayaan ng sambayanang Pilipino.
Hindi lamang sa nagkakaisang hanay laban sa bulok at palpak na rehimeng Duterte kundi sa pinakamalapad na alyansa (gaya ng orihinal na Lakas ng Bayan o LABAN) para sa ating pambansang kaligtasan mula sa krisis sa kalusugan at kabuhayan, mga suliraning sadyang mahirap na lutasin hangga't nakaluklok ang kasalukuyang inutil na administrasyon.
Sapagkat, sa huling pagsusuri, ang ating kaligtasan ay nasa lakas ng pagkakaisa't pakikibaka ng manggagawa't mamamayan. Wala sa mga pekeng tagapaligtas na tiyak na magsusulputan para sa darating na halalan. #
Ka Leody de Guzman
Tagapangulo, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)
ika-25 ng Hunyo 2021

Friday, July 21, 2017

REPOST: BMP: Unang Taon ng Rehimeng Duterte: Bogus na Pagbabago ng Kapitalista’t Reaksyonaryong Gobyerno

ISANG taon na ang rehimen. Kung dati’y sinasabi ng marami na maaring pagbigyan si Duterte dahil siya ay nasa transisyon pa mula sa dating meyor ng Davao tungo sa pagiging pangulo ng bansa, maari nang husgahan ang kanyang isang taon sa pagitan ng dalawang SONA.
Sa ikalawang SONA ni Duterte, ni anino ng “Change is coming” ay hindi pa rin naaaninag ng mamamayang Pilipino, laluna ng masang manggagawa. Napako ang lahat ng mga pangako. Naglaho na tila bula ang mga repormang itinalumpati para makuha ang boto ng 16 milyong Pilipino. Kung mayroon man tayong nasasaksihang pagbabago, ito ay ang tuminding kahirapan, karahasan, at kaguluhan sa buhay ng mayoryang mahihirap!
Tumitinding Kahirapan
Iba si Duterte sa nagdaang mga pangulo. Walang pretensyon sa pagiging modelo ng “good manners and right conduct” bilang pangulo ng bansa. Isang butangero. Magaspang. Matapang magsalita. Subalit iba ang kanyang ginagawa. Kabaliktaran ng kanyang mga salita.
Kontraktwalisasyon: Para sa manggagawang sahuran, ang pinakamapait na kasingalingan ni Duterte ay ang pangakong “contractualization must stop”. Sapagkat walang nagbago. Tuloy ang endo. Tuloy ang ligaya, hindi lamang ng mga contractor at subcontractor kundi ng mga prinsipal na employer na patuloy na masusuplayan ng mura at maamong kontraktwal na manggagawa. Ang nilabas na Department Order 174 ni DOLE Sec. Bello ay kabaliktaran sa ipinangako ni Duterte. Ngunit hindi siya kinakastigo ng Palasyo! Wala ring Executive Order para iwasto ang kalokohan ni Sec. Bello. Trabahong regular, hindi kontraktwal!
Tax reform: Nagmamalaki ang gobyerno na “pro-poor” daw ang kanilang panukalang pagrereporma sa sistema ng pagbubuwis. Kailangan daw ito sa mga proyekto ng “build, build, build” na papakinabangan ng taumbayan. Pero sino ang kakargo ng pasaning pagbubuwis? Ang mga mahihirap! Sapagkat ang itataas nila ang excise tax sa mga produktong petrolyo at inuming may-asukal. Pasasaklawin din ang VAT. Tatanggalin ang eksempsyon sa VAT sa renta o pangungupahan na nagkakahalagang P10,000 kada buwan.
Tataas ang presyo ng mga bilihin sa balak na tax reform. Sapagkat ang pangunahing dadagdagan ng tax ay ang produktong petrolyo, na ginagamit sa transportasyon ng mga tao at mga produkto – at sa paglikha ng kuryente. Tataas ang upa ng mga maliit na komersyante, dahil sa VAT, at babawiin nila ito sa presyo ng kanilang mga paninda. Hindi na din eksempted sa VAT ang low-cost at socialized housing!
Nagkukunwari pa silang ibabalanse daw ang sistema ng pagbubuwis dahil itataas sa P250,000 ang eksempsyon sa personal income tax. Kalokohan! Ang milyon-milyong manggagawa, na karamiha’y kontraktwal sa maliliit na mga establisyemento at kumikita ng minimum wage, ay hindi na kinakaltasan ng withholding tax. Ang mahihirap na 60% ng mga pamilyang Pilipino ay hindi nabubuhay sa sahod, kumikita ng mas mababa sa minimum wage, at nasa underground economy. Hindi sila kasali sa income tax exemption! Ang mga mayayaman ang mas makikinabang sa pagtataas ng eksempsyon sa income tax! At tila hindi pa sila nasiyahan dito, ibaba din nila ang buwis sa kita ng mga korporasyon at estate tax (buwis sa mga pag-aari ng isang yumao bago ipamana sa kanyang benepisyaryo). Tax the rich, not the poor!
Mababang sahod. Nananatili ang kontraktwalisasyon. Mababa pa rin ang sweldo. Hindi na nga sapat para mabuhay ng disente’t marangal ang isang pamilya ng manggagawa. Lalo pa itong liliit sa pagsasabatas ng TRAIN o Tax Reform Acceleration and Inclusion sa 2018, na magtataas sa presyo ng mga bilihin at magbabagsal sa tunay na halaga ng sweldo. Isabatas ang living wage, buwagin ang mga wage board!
Demolisyon at pabahay. Sabi ni Duterte, wala raw madedemolis kung walang relokasyon. Subalit maraming pampublikong proyekto – kasama ang mula sa mga local government, ang nagreresulta sa pwersahang ebiksyon ng mga maralita, kahit hindi pa naisasayos ang kanilang relokasyon.
Ilan lamang dito ang sa Tatalon sa Quezon City, sa Minuyan sa Bulacan, at Langaray Market sa Malabon. Dadami pa ito sa binabalak na “golden age of infrastructure” sa termino ni Duterte. Wala pa ring policy ang Palasyo ukol sa mura at disenteng pabahay sa masang maralita.
Kaya’t sa mga proyektong pang-relokasyon (tulad ng nabulgar sa pabahay na inokupa ng Kadamay sa Bulacan), nananatili ang problema ng kawalan ng serbisyo. Malayo sa hanapbuhay, sa paaralan, sa ospital, atbp. Nasa liblib na karatig-probinsya ng Metro Manila. Minsa’y problema pa ang mismong linya ng tubig at kuryente. Ang masahol, napakamahal pa! Kaya’t tuloy pa rin ang problema ng foreclosure sa mga residenteng hindi makapagbayad ng mga amortisasyon, atbp. Binabawi lamang ng bangko. Habang tumatabo sa tubo ang mga real estate developer, mga opisyal ng local government, at mga bangko’t pinansyer, na tanging nakinabang sa mga proyektong pabahay ng gobyerno. Maayos na relokasyon bago demolisyon! Ipatupad ang Konstitusyunal na probisyon sa mura, ligtas at disenteng pabahay para sa masa!
Pag-atake sa oligarkiya. Aatakehin daw ni Digong ang “oligarkiya” o ang iilang mga pamilya na patuloy sa pagyaman sa kabila ng lumalalang kahirapan ng nakararami. Noong Agosto 2016, ang pinagsamang pagaari ng 50 pinakamayaman sa bansa ay nagkakahalagang $79.47 Bilyon o 27.58% ng gross domestic product o GDP. Mas mataas kumpara noong 2013, na nasa $65.8 Bilyon o 24% ng GDP.
Katunayan, ang pondong tutustos sa mga proyektong pang-imprastraktura ng Dutertenomics - na nagkakahalagang walo hanggang siyam na trilyong piso (P8-9 trilyon) hanggang 2022 - ay magmumula sa bagong buwis (na papasanin ng mahihirap) at bagong mga pautang.
Sa mga uutangin, 80% ay mula sa mga domestic loans (ibig sabihin, BDO ni Henry Sy, BPI ni Ayala, Metrobank ni Ty, RCBC ni Yuchengco, atbp. na pawang mga oligarkiyang sinabi ni Duterte na kanyang tutugisin!). Habang 20% ang mula sa dayuhang pautang (kasama ang Asian Infrastructure Investment Bank o AIIB), na pinangunahan ng Tsina at kanyang binantaan noon laban sa paghihimasok at pag-angkin sa mga isla sa West Philippine Sea!). Redistribusyon ng yaman!
Pag-atake sa Estados Unidos: Si Duterte raw ay para sa isang “independyenteng patakarang panlabas”. Ayaw daw niya sa panghihimasok ng Amerika. Ngunit hindi niya nilalansag ang kasunduang militar gaya ng Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement, Enchanced Defense Cooperation Agreement, atbp. Bumaliktad din siya sa mga nauna niyang pagkontra sa pagpasok ng tropang Amerikano, pinayagan niya itong sumali sa operasyon laban sa grupong Maute. Lansagin ang dominasyon ng imperyalistang Amerika sa ekonomya’t pulitika ng bansa!
Pagwasak ng Kalikasan at Pagmimina. Dati animo’y kumakampi si Duterte kay Gina Lopez para proteksyunan ang kalikasan. Subalit hinayaan niya itong malaglag sa Senado. Binabawi na ni DENR Sec Cimatu ang mga suspensyon sa pagmimina na iginawad ni Lopez. Ang pagkawasak sa kalikasan ang sisira sa agrikulturang pangunahing ikinabubuhay ng ating mga kababayan sa kanayunan. Labanan ang mapanira at malakihang pagmimina at pagtotroso!
Umiigting na Karahasan at Kaguluhan
Panghuli, at higit sa lahat, sa unang taon ni Duterte, naging saksi tayo sa kaliwa’t kanang patayan at pagkawalang-bahala sa proseso ng batas. Libo-libo na ang pinatay ng “War on Drugs”, karamiha’y mga mahihirap na adik at tulak. Ngayo’y idinidikit na nila ang isyu ng droga sa gyera kontra terorismo. May mga nagpapanukala pang patagalin at/o palawigin ang Batas Militar sa buong bansa upang magamit ang kamay na bakal na estado sa lahat ng kalaban ng republika.
Nililikha ng mga pwersa ng reaksyon ang isang klima ng takot, pananahimik, at pag-aatubiling punahin ang mga ginagawa ni Duterte, na kung hahayaang magtagumpay ay tutungo sa tuluyang paglusaw sa ating mga demokratikong karapatan. Laluna sa kalayaang lumaban sa pang-aapi’t pang-aabuso ng iilang mayyaman at may-kapangyarihan - sa pamamagitan ng malayang pagtitipon, sama-samang pagkilos, at sariling pag-oorganisa.
Ang klima ng takot at pagsawalang-kibo ang pinakapaborableng kondisyon para sa malawakang pandarambong, hindi lang ng mga burukrata’t opisyal na magpipiyesta sa pinalaking buwis na kokolektahin ng gobyerno kundi ng mga malalaking kapitalista magiging kasosyo’t pinansyer sa mga proyektong pangimprastraktura, mga kontrata sa pagtotroso at pagmimina, at sa lahat ng likas at likhang yamang mula sa kalikasan at paggawa sa Pilipinas. Labanan ang pasistang atake sa mga kalayaang sibil at karapatang pantao!
Mga kauri at kababayan! Huwag tayong magpaloko sa mga pretensyon ni Duterte. Bogus ang ipinangakong pagbabago ng “Change is coming”! Kiskisin natin ang nakalambong na ilusyon upang tumambad sa atin na ang kasalukuyang pangulo ay tagapagpatupad lamang ng interes ng malalaking kapital. Ito ang katotohanang aming ipinababatid sa milyon-milyong umaasa pa rin sa kanilang bulaang manunubos. Sama-sama nating isulong at ipagtanggol ang ating mga karapatan at kabuhayan tungo sa tunay na pagbabagong matagal nang inaasam ng manggagawa’t mamamayang Pilipino. #
 

Saturday, March 4, 2017

Bukluran ng Manggagawang Pilipino: Statement after the labor meeting with Duterte

Aral sa pakikipag-usap ng labor groups kay DU30:
PAGKAKAISA NG MANGGAGAWANG PILIPINO
ANG KAILANGAN UPANG WAKASAN ANG KONTRAKTWALISASYON
...
MATAPOS ang walong buwan sa pagkahalal bilang pangulo ng bansa, hinarap na rin ni pangulong Duterte ang mga lider-manggagawa. Ilang beses na niyang pinulong ang mga kapitalista. Ngunit nitong Pebrero 27 lamang siya humarap sa mga lider ng kilusang paggawa, na mahigit dalawang dekada nang nakikibaka laban sa kontraktwalisasyon.
Sa wakas, humarap din siya sa mga manggagawang pinagmulan ng 16 milyong boto na nagluklok sa kanya sa Malakanyang. Binoto siya dahil sa plataporma ng “pagbabago”, ng pangakong wawakasan ang kontraktwalisasyon liban pa sa pagsugpo sa droga na ramdam ng nakararami bilang isang salot sa kanilang mga komunidad.
Bakit humarap si Digong sa mga manggagawa? Sapagkat paulit-ulit na hindi tinanggap ng mga manggagawa ang panukala ni DOLE Secretary Bello na payagan ang kontraktwalisasyon.
Sa “win-win solution” ng DOLE at DTI, ang mga kontraktwal ay magiging regular ng mga agency. Kalokohang panukala dahil inililigtas pa rin nito ang mga “principal employer” – ang mga kapitalista – sa kanilang obligasyon na bayaran ng tamang sweldo’t benepisyo ang mga manggagawa sa kanilang pagkakaregular sa kompanya.
Pilit kasing hinahanap ni Bello ang kompromiso sa mga agency – gayong iligal ang kanilang ginagawa na laway lamang ang puhunan habang nagpapasasa sa pawis ng mga kontraktwal na manggagawa at nagpapalago sa tubo ng mga kapitalista.
Subalit sa pakikipagpulong sa mga manggagawa, naiipit si Bello sa naunang pahayag ni Digong na “contractualization must stop”. Kaya siya hinamon ng mga lider ng Nagkaisa labor coalition (BMP, TUCP, FFW, SENTRO, PM, PTGWO, atbp.) na iharap sila kay pangulong Duterte. Sa naitakdang pagpupulong, nagpahayag naman ng kahandaang dumalo ang grupong KMU.
Ano ang naganap sa naturang pagpupulong? Umayon si Digong sa hinaing ng mga manggagawa. Ito ang kakaiba dahil sa nagdaang mga pangulo, ang ikakatwiran nila’y maraming mawawalan ng trabaho kapag sinugpo ang kontraktwalisasyon.
Subalit imbes na pirmahan ang panukalang Executive Order laban dito (na naunang ipinanukala ng BMP at kinalauna’y sinuportahan ng Nagkaisa). Inutusan niya si Sec. Bello na gumawa ng Department Order laban sa kontraktwalisasyon. Nangako din siyang tatakan bilang “urgent” ang panukala sa Kongreso – ang House Bill 444 – na ipagbawal ang kontraktwalisasyon.
AS IS, WHERE IS! Walang binago ang naturang pagpupulong. Nananatiling pangako lamang ang “contractualization must stop” ng Malakanyang. Ngunit para sa totoong aksyon (hindi lamang salita) ang dapat daw kalampagin ng mga manggagawa ay ang DOLE at kongreso’t senado, na para bang matutuwa na ang manggagawa sa simpleng pagsang-ayon ni Digong sa ating mga pahayag kahit wala naman siyang ginawang kongkretong hakbang para tugunan ang ating hinaing.
Sa madaling sabi, iwas-pusoy si Digong! Si Secretary Bello ang naging tampulan ng sisi. Dumulog daw tayo sa kongreso’t senado.
Mga kamanggagawa’t kababayan! Hindi ipinatawag ang naturang pulong mula sa kabutihang-loob ng Malakanyang. Naobliga lamang ang DOLE na iharap kay Digong ang mga lider-manggagawa nang hindi sila matinag sa kanilang nagkakaisang tindig laban sa kontraktwalisasyon.
Pagkakaisa at pakikibaka. Ito ang sinandigan ng manggagawa nang maobliga ang Malakanyang na harapin sila sa mesa. Dito rin nakasalalay ang totoong paglulutas sa problema ng kontraktwalisasyon.
Tuloy ang laban hangga’t hindi nakakamit ang inaasam na tagumpay. Huwag manahimik, makontento sa resulta ng pag-uusap at simpleng umasa’t maghintay kay Digong na lutasin ang kontraktwalisasyon. Ituloy-tuloy ang pagkilos upang presyurin ang gobyerno, laluna ang pangulo, na tuparin ang pangakong “contractualization must stop”. Tungkulin ng kilusang unyon na pakilusin, hindi lamang ang kanyang kasapian, kundi ang milyon-milyong hindi organisadong mga kontraktwal, sa iba’t ibang mga protesta laban sa kontraktwalisasyon.
Manggagawa, magkaisa! Puksain ang iskemang ito ng lantarang pambabarat sa sahod upang palaguin pa ang tubo ng mga kapitalista. Hindi ito susukuan ng mga employer nang walang laban sapagkat bilyon-bilyong tubo ang nakakamkam nila sa ganitong sistema, nang kakutsaba ang mga manpower agency at labor service cooperatives. Tiyak tayong gagalaw sila para pumanig sa kanila ang ilalabas na Department Order ni Sec. Bello at upang hindi maaprubahan ng kongreso’t senado ang anumang panukalang batas laban sa kontrakwalisasyon.
Sa gagawing maneobra ng mga kapitalista sa DOLE at sa kongreso’t senado, hamunin natin si Digong na pumanig sa mga manggagawang inaabuso. Dito natin mabibisto kung ang “contractualization must stop” ay isang pangakong pang-kuha lamang ng boto o kung seryoso’t sinsero itong paninindigan ni Rodrigo Duterte. #
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)
Marso 2017
National Office: 19 Mayaman St., UP Village, QC
FB: http://facebook.com/manggagawangpilipino | Tel: 4364307 | Email: bmp_national04@yahoo.com

https://web.facebook.com/manggagawangpilipino/posts/1313086078785333:0