Sharing this very well-written post from BMP chair Leody de Guzman, one of the best on P-Noy's recent passing. The original post is here.
Hindi madaling magsulat ng "eulogy" sa mga kontrobersyal na personalidad sa kasaysayan, laluna sa lipunang may nagtutunggaling mga interes at mga uri.
Sa pagpanaw ng mga natatanging mga indibidwal mula sa kampo ng naghaharing uri o mga kilusang lumalaban sa kanilang paghahari, tiyak na anumang salita para sa yumao ay aani ng reaksyon (kundi man mariing pagtutol) sa anumang kampo.
Ganunpaman, kailangang sabihin ang dapat sabihin bilang tanda ng pagkilala (at respeto) sa isang kababayang nagmarka sa ating kasaysayan. Igawad ang rekognisyon sa ilang piling mga indibidwal na naregaluhan ng pambihirang mga istorikal na oportunidad na kanilang yinakap at sinunggaban.
Sa pamilya Aquino, ipinaabot ng Bukluran ang taos-pusong pakikiramay sa pagpanaw ng dating pangulong Noynoy. Anuman ang ating mga pinagdaanang mga hidwaan (at gaano man ito kalalim), hindi kami nakalilimot sa pinagdaanang sakripisyo ng inyong pamilya sa ilalim ng diktadurang Marcos.
Maging sa aking personal na karanasan, bilang bahagi ng henerasyon ng manggagawa na unang nagising sa mga politikal na katotohanan sa kasagsagan ng diktadurang Marcos, humanga ako sa katatagan ng inyong pamilya sa kabila ng inyong pinagdaanan sa mga kampon ng pasistang rehimen. Sariwa pa sa aking isipan ang unang protesta na aking nadaluhan - ang martsa mula Tarlac to Tarmac - bilang kondemnasyon sa asasinasyon ni Ninoy noong 1983.
Ngayon, kung inyo pong mamarapatin, hinihiling po naming maunawaan ninyo ang mga bumabatikos kay Noynoy (at marahil ay nauungkat pa ang mga isyu't usapin sa termino ng kanyang inang si Ginang Cory) sa panahong ito ng inyong pagluluksa at pagdadalamhati.
Hindi hinihingi ng ating mga kababayan na maging perpekto si Noynoy. Iyan po ay imposible. Lahat tayo ay may bahid, may kahinaan, may pagkukulang, may kamalian at may kasalanan.
Nagpapaalala lamang ang ating mga kababayan na huwag malilimutan ang mga kamalian. Hindi pa ni Noynoy bilang indibidwal kundi ng mga kontra-manggagawa't kontra-mamamayang interes at patakaran ng kanyang itinaguyod noong maluklok siya bilang pinakamakapangyarihang tao sa bansa.
Kung karakter at pagkatao, malayong-malayo si Noynoy sa ibang mga pangulo laluna kay Marcos at Duterte, mga personaheng sakim sa absolutong kapangyarihan. Subalit siya ay hindi naiiba sa lahat ng mga presidente ng bansa na ang kinikilingan ay ang interes ng mga kapitalista, asendero, bangkero, at negosyante kumpara sa manggagawa't maralita sa lungsod at kanayunan. Tulad ng iba, si Noynoy ay pabor din sa kontraktwalisasyon, liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon, di-pagpapatupad sa repormang agraryo, regresibong pagbubuwis, atbp.
Ang malubhang mga epekto ng mga maling desisyong ito ang siyang ginatungan nila Duterte-Marcos-GMA, ang pinakareaksyonaryo at pinakaatrasadong seksyon ng naghaharing uri sa bansa, kaya nila naagaw ang estado power noong halalang 2016.
Huwag niyo sanang masamain ang pagpapahayag ng ating mga kababayan sa naturang mga kritisismo. Tulad lamang ito ng sinasabi natin noon sa mga Marcos, na kung obligahin man tayo ng ating mga paniniwala na magpatawad, hindi po ito nangangahulugang tayo ay makakalimot. Ito ang diwa ng panawagang sabay nating sinasagot sa pamilya ng yumaong diktador: "Never forget, never again".
Ang pagkilala sa kamalian at kahinaan ang unang hakbang ng pagwawasto't pagbabago; at aplikable ito kaninuman, hindi lamang sa pamilya Marcos at Aquino kundi maging sa mga rebolusyonaryong kilusan, para makintal ang mga aral sa kolektibong memorya ng buong mamamayang Pilipino.
At ngayong nahaharap ang ating bansa sa klase ng pamumuno na tila nanunumbalik (at sa ibang mga aspeto'y hindi lang bumabalik kundi sumasahol pa nga) ang otoritaryanismo at tahasang diktadura, makakaasa ang inyong pamilya, na kung sinuman sa inyo ang tatahak muli sa landas ng pagtatanggol sa ating mga demokratikong karapatan at kalayaang sibil, maluwag sa loob silang tatanggapin ng kilusang manggagawa at ng kilusang masa sa ilalim ng iisang bandera para sa demokrasya't kalayaan ng sambayanang Pilipino.
Hindi lamang sa nagkakaisang hanay laban sa bulok at palpak na rehimeng Duterte kundi sa pinakamalapad na alyansa (gaya ng orihinal na Lakas ng Bayan o LABAN) para sa ating pambansang kaligtasan mula sa krisis sa kalusugan at kabuhayan, mga suliraning sadyang mahirap na lutasin hangga't nakaluklok ang kasalukuyang inutil na administrasyon.
Sapagkat, sa huling pagsusuri, ang ating kaligtasan ay nasa lakas ng pagkakaisa't pakikibaka ng manggagawa't mamamayan. Wala sa mga pekeng tagapaligtas na tiyak na magsusulputan para sa darating na halalan. #
Ka Leody de Guzman
Tagapangulo, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)
ika-25 ng Hunyo 2021
No comments:
Post a Comment