Saturday, October 7, 2017

Rebyu: Humanidad – Bagong album ni Dong Abay/DAMO

Paano nga ba maging tao? O kaya, paano ba maging tao sa kasalukuyang lipunang mayroon tayo ngayon?

Sa Humanidad, ang bagong album ni Dong Abay kasama ang kanyang bagong banda, ang Dong Abay Music Organization (DAMO), may tugon sa tanong na ito. Pag-asa ang hatid ng bagong album ni Dong. Ipinapakita nito kung paano magpunyagi bilang tao sa gita ng isang lipunang maraming pagkukulang.

Napuna kaagad ng mga nagbalita sa Humanidad, na inilabas nitong Oktubre, na ito ang unang album ni Dong matapos ang mahigit 10 taon. Ang hindi nila nababanggit, mahigit edad-45 na ang makatang mang-aawit – at ito na ang kanyang pampitong album mula ng mailabas ng Yano ang kanilang unang casette tape.

Ito'y mahigit dalawang dekada ng pagtugtog – mahigit dalawang dekada ng rock and roll ng rock star na naghatid na sa atin ng mga kantang “Esem,” “Senti,” at “Banal na Aso, Santong Kabayo.”
Ang Humanidad ay binubuo ng 14 na bagong awitin na ang sabi ni Dong ay sinulat niya sa iba't ibang panahon sa kanyang buhay. Ang lahat ng kanta at musika ay naka-credit kay Dong Abay (may tatlong kantang ang lyrics ay hinalaw/hiniram sa ibang may-akda), na mahusay at sama-samang nilapatan ng instrumento ng iba pang miyembro.

Ang DAMO ay binubuo nina Dong, Kakoy Legaspi (gitara), Simon Tan (base) at Abe Billano (drums) (ang tatlong kabanda ni Dong ay lahat nagmula sa bandang Pedicab). May halo man sigurong patawa ang acronym, isa itong lehitimong organisasyon na mayroong pormal na structure. May banda, may manager at may mga crew. Tumayong producers mismo ang apat na miyembro kasama ang manager nilang si Elwyn Zalamea.

Mga awit

Muli pa, pinakita ni Dong ang kanyang komitment sa mga komentaryong panlipunan. Karamihan ng mga kanta ay ito ang tema. At muli rin, ang mga ito'y hindi komentaryong basta-basta. Sa pambungad na awitin pa lang, bakas na ang talas sa mga linyang tulad ng:

 Anong Demokrasya
 Nagpapatawa ka ba?
 Ang sistema ng gobyerno
 Ay oligarkiya! (“Oligarkiya”).

Ngunit sa mga tagasunod ng musikang rock, marahil ang unang mapapansin sa unang kanta pa lang ng album ay ang pagsasakatuparan ng pag-iisang himig ng gitara ni Kakoy Legaspi at ng musika ni Dong.

Mula sa mala-punk na tipa ng "Oligarkiya" hanggang sa mga ad lib sa mga kanta, masasabing sa wakas ay nahanap na ni Dong ang gusto niyang timpla ng gitara na marahil ay panandaliang nawala sa ibang album niya.

Panlipunan at pulitikal rin ang tema ng mga kantang “Porky,” “Karera ng mga Daga” at “Trade Mark.” Marahil pinaka-testamento ang mala-epikong kantang "Trade Mark" sa kung paano nagkasundo-sundo ang banda at ginamit ang talento ng bawat isa para makagawa ng isang mahusay na areglo. Sapagkat ambisyoso ang awitin -- layunin nitong sa anim na taludtod ay maikwento ang buong kasaysayan ng Pilipinas, mula sa pre-Hispanic period hanggang sa pananakop ng mga Amerikano at pagpapakilala ng mga burgis na konsepto tulad ng "liberal democracy"! Sa bawat period, iba-ibang atake ng instrumento sa parehong basic melody ang ginamit.

Sa totoo lang, sa mga kanta pa lamang na nabanggit ay sulit na ang P300 na materyal na halaga ng album. Ngunit patikim pa lamang ito (at may mga kantang hindi mababanggit sa rebyung ito, bilang konsiderasyon sa haba). Maliban sa social commentary, nagbigay ng mga mataimtim na mga awit tungkol sa pagpapatuloy ng buhay si Dong – mga awit na pwedeng awitin habang naglalakbay sa isang mundong marahil ay hindi naman talaga natin kontrolado bilang mga tao.

Ang kantang “Dakilang Araw” ay awit ng paghingi ng gabay at basbas mula sa mga dakilang espirito sa masalimuot na paglalakbay sa daigdig. Ang Dakilang Araw – na nakatato sa kanang dibdib ni Dong – ay hinalaw niya sa Tibetan Buddhist (Shambhala) na konsepto ng Great Eastern Sun:

 Dakilang Araw ng Silangan patnubayan mga paa
 Sabayan sa paghakbang saan man mapunta
 Akayin ang mga kamay
 Sana'y laging maging gabay
 Habang aking nilalakbay
 Ang takbo ng buhay
 Ito ang takbo ng buhay ko
 Sa takbo ng buhay
 Samahan mo dalisay na espirito

Sa awiting ito, at sa halos lahat ng kasama sa album, kapansin-pansin din ang isang bagong elemento sa mga kanta ni Dong – marahil sa unang pagkakataon, sumasagot ng back-up vocals ang tatlong iba pang miyembro sa maraming kanta, na nagbibigay ng karagdagang dimension na magandang pakinggan.

Ngunit sa kabilang banda, masalimuot man ang daigdig, lahat naman ng mangyayari at nangyayari dito ay matagal nang batid. May ordinariness ang mga bagay. Sa Track 3 ng Humanidad ay ang kantang “Vulgares,” na isinalin ni Dong mula sa isang tulang Espanyol:

 Ordinaryong pakiramdam
 sa ordinaryong mukha
 ng ordinaryong tao
 Andun pa rin ang mga kalyeng luma
 may lumang lungkot...
 Andun pa rin ang mga kaluluwang luma pa rin!
 Lahat ng batid:
 batid na lumbay
 batid na galak
 At ang pangangailangang maging buhay
 batid na ang buhay
 walang iba kundi ang mabuhay!

Pag-asa

Ngunit pinakamahalaga siguro ang mensahe ng pag-asa sa bagong album ni Dong Abay. O, sa kanta niya mismo, ang pag-asa sa gitna ng kawalang pag-asa. Ito ang pangunahing mensahe ng unang kantang nai-release (“carrier single” ayon sa tradisyunal na kapitalistang marketing), ang “Positibo.”
Magsisimula ang "Positibo" – na unang pinatugtog sa Jam 88.3 bago ang album launch – sa mga linyang:

 Sawang sawa na akong magtanim ng galit
 Kaya magtatanim na lang ako ng pag-ibig
 Luhang luha na ako sa iyong sinapit
 Kaya pasasayahin ko ang iyong daigdig

bago ang panawagan at pang-uudyok na Korong:

 May pag-asa! May pag-asa pa!
 May pag-asa pa sa kawalang-pag asa!

Mapapansin na Pag-asa, kung ganon, ang temang tumatahi sa karamihan ng awitin sa album. (Ginawan rin ng kanta ni Dong ang tulang Bahaghari” ni Jose F. Lacaba na ang mensahe ay: “May bahaghari pagkatapos ng unos.”) At sa kanyang pagluha ay dito rin makikita kung anong klaseng puso mayroon si Dong para sa Pilipinas. Nang tanungin si Dong sa isang interview bago ang album launch tungkol sa “Positibo,” kinuwento niyang sinulat niya ito dahil may mga fans na paminsan-minsan ay nagtatanong sa kanya ng, “Sir Dong, may pag-asa pa ba ang Pilipinas?”

Ani Dong, sagot niya lamang ay, ang koda na ginamit ni Gat Andres Bonifacio sa Katipunan ay “May pagasa.” Hindi niya naman aniya sinabing walang pag-asa.

Ngunit ang pag-asang ito, marahil, ay hindi pag-asang simple, o kaya nama'y walang basehan. Si Bonifacio, halimbawa, ay kumilos nat akibaka. At sa personal na lebel naman, wala na sigurong mas may karapatan pang magsabi na may pag-asa kung hindi si Dong mismo – na nilabanan ang sarili niyang yugto ng depression ng ilang taon – upang pagkatapos ay muling umawit.

Ang album bilang protesta

Katulad ng pulitika, ang mga kanta ni Dong Abay ay hindi naman talaga para sa lahat, kung iisipin. Mayroon lang itong sesentrohan na audience. Ngunit sabi nga ni Joey Ayala kamakailan, may tamang balanseng tinatantiya ang mga alagad ng sining, sa isang dako sa pagpapakilala sa mga bago/radikal ngunit posibleng hindi mabentang ideya, at sa kabilang dako sa mga luma nang tema na patok naman sa masa – kahit pa ang mga lumang kantang ito ay sila rin naman ang gumawa.

Lalo na pagdating halimbawa sa mga awiting medyo pulitikal, maaaring sabihing mangangalahati agad ang makakatanggap. Mas may puwang ang mga kantang puno na social commentary noong kasagsagan ng rock music. Tila ba nagbago na rin ang panahon. Kaya pagkalipas ng tatlong buwan matapos mailabas ang Humanidad, hindi natin inaasahan na ang mga nagpapatugtog ng mga awitin ni Dong ay kasing-dami na ng airplay ng mga bata ng mainstream recording industry (read: ang Capitalist Culture Machine na ang pangunahing layunin lamang ay gumawa ng pera – hindi mass enlightenment o kahit sana mass respect man lang).

Na naglalabas pa rin si Dong ng album na puno ng mga kantang hitik ay isa nang malaking pagtutol sa kasalukuyang kalakaran ng “kultura” sa bansa. Matagal nang sinasabi ni Dong na mahalaga sa kanya na mabigyan ng kalayaang isulat ang mga nais niyang isulat ng walang nagdidikta.

Paminsan-minsan, mistulang mag-isa lamang si Dong sa laban. Kahit ngayon, may mga nakabinbing tanong: Magtatagal kaya ang DAMO, ang bagong banda? Maaaring oo, maaaring hindi. Ngunit sa ngayon, sa mas malawak na pagtingin, isang tagumpay niya at ng kanyang grupo (hindi lang ng banda mismo kundi kasama ang mga manager, crew at iba pang tumatao dito) ang pagkakalabas sa Humanidad. 

Ito'y mga awit na dapat marinig – na magpapalaya sa mga makikinig. Na maghihikayat sana sa bawat isa na tukuyin man lang kung ano ang mali. At na magpatuloy sa buhay ng mayroong dangal at layunin. xxx

No comments:

Post a Comment