Saturday, March 4, 2017

Bukluran ng Manggagawang Pilipino: Statement after the labor meeting with Duterte

Aral sa pakikipag-usap ng labor groups kay DU30:
PAGKAKAISA NG MANGGAGAWANG PILIPINO
ANG KAILANGAN UPANG WAKASAN ANG KONTRAKTWALISASYON
...
MATAPOS ang walong buwan sa pagkahalal bilang pangulo ng bansa, hinarap na rin ni pangulong Duterte ang mga lider-manggagawa. Ilang beses na niyang pinulong ang mga kapitalista. Ngunit nitong Pebrero 27 lamang siya humarap sa mga lider ng kilusang paggawa, na mahigit dalawang dekada nang nakikibaka laban sa kontraktwalisasyon.
Sa wakas, humarap din siya sa mga manggagawang pinagmulan ng 16 milyong boto na nagluklok sa kanya sa Malakanyang. Binoto siya dahil sa plataporma ng “pagbabago”, ng pangakong wawakasan ang kontraktwalisasyon liban pa sa pagsugpo sa droga na ramdam ng nakararami bilang isang salot sa kanilang mga komunidad.
Bakit humarap si Digong sa mga manggagawa? Sapagkat paulit-ulit na hindi tinanggap ng mga manggagawa ang panukala ni DOLE Secretary Bello na payagan ang kontraktwalisasyon.
Sa “win-win solution” ng DOLE at DTI, ang mga kontraktwal ay magiging regular ng mga agency. Kalokohang panukala dahil inililigtas pa rin nito ang mga “principal employer” – ang mga kapitalista – sa kanilang obligasyon na bayaran ng tamang sweldo’t benepisyo ang mga manggagawa sa kanilang pagkakaregular sa kompanya.
Pilit kasing hinahanap ni Bello ang kompromiso sa mga agency – gayong iligal ang kanilang ginagawa na laway lamang ang puhunan habang nagpapasasa sa pawis ng mga kontraktwal na manggagawa at nagpapalago sa tubo ng mga kapitalista.
Subalit sa pakikipagpulong sa mga manggagawa, naiipit si Bello sa naunang pahayag ni Digong na “contractualization must stop”. Kaya siya hinamon ng mga lider ng Nagkaisa labor coalition (BMP, TUCP, FFW, SENTRO, PM, PTGWO, atbp.) na iharap sila kay pangulong Duterte. Sa naitakdang pagpupulong, nagpahayag naman ng kahandaang dumalo ang grupong KMU.
Ano ang naganap sa naturang pagpupulong? Umayon si Digong sa hinaing ng mga manggagawa. Ito ang kakaiba dahil sa nagdaang mga pangulo, ang ikakatwiran nila’y maraming mawawalan ng trabaho kapag sinugpo ang kontraktwalisasyon.
Subalit imbes na pirmahan ang panukalang Executive Order laban dito (na naunang ipinanukala ng BMP at kinalauna’y sinuportahan ng Nagkaisa). Inutusan niya si Sec. Bello na gumawa ng Department Order laban sa kontraktwalisasyon. Nangako din siyang tatakan bilang “urgent” ang panukala sa Kongreso – ang House Bill 444 – na ipagbawal ang kontraktwalisasyon.
AS IS, WHERE IS! Walang binago ang naturang pagpupulong. Nananatiling pangako lamang ang “contractualization must stop” ng Malakanyang. Ngunit para sa totoong aksyon (hindi lamang salita) ang dapat daw kalampagin ng mga manggagawa ay ang DOLE at kongreso’t senado, na para bang matutuwa na ang manggagawa sa simpleng pagsang-ayon ni Digong sa ating mga pahayag kahit wala naman siyang ginawang kongkretong hakbang para tugunan ang ating hinaing.
Sa madaling sabi, iwas-pusoy si Digong! Si Secretary Bello ang naging tampulan ng sisi. Dumulog daw tayo sa kongreso’t senado.
Mga kamanggagawa’t kababayan! Hindi ipinatawag ang naturang pulong mula sa kabutihang-loob ng Malakanyang. Naobliga lamang ang DOLE na iharap kay Digong ang mga lider-manggagawa nang hindi sila matinag sa kanilang nagkakaisang tindig laban sa kontraktwalisasyon.
Pagkakaisa at pakikibaka. Ito ang sinandigan ng manggagawa nang maobliga ang Malakanyang na harapin sila sa mesa. Dito rin nakasalalay ang totoong paglulutas sa problema ng kontraktwalisasyon.
Tuloy ang laban hangga’t hindi nakakamit ang inaasam na tagumpay. Huwag manahimik, makontento sa resulta ng pag-uusap at simpleng umasa’t maghintay kay Digong na lutasin ang kontraktwalisasyon. Ituloy-tuloy ang pagkilos upang presyurin ang gobyerno, laluna ang pangulo, na tuparin ang pangakong “contractualization must stop”. Tungkulin ng kilusang unyon na pakilusin, hindi lamang ang kanyang kasapian, kundi ang milyon-milyong hindi organisadong mga kontraktwal, sa iba’t ibang mga protesta laban sa kontraktwalisasyon.
Manggagawa, magkaisa! Puksain ang iskemang ito ng lantarang pambabarat sa sahod upang palaguin pa ang tubo ng mga kapitalista. Hindi ito susukuan ng mga employer nang walang laban sapagkat bilyon-bilyong tubo ang nakakamkam nila sa ganitong sistema, nang kakutsaba ang mga manpower agency at labor service cooperatives. Tiyak tayong gagalaw sila para pumanig sa kanila ang ilalabas na Department Order ni Sec. Bello at upang hindi maaprubahan ng kongreso’t senado ang anumang panukalang batas laban sa kontrakwalisasyon.
Sa gagawing maneobra ng mga kapitalista sa DOLE at sa kongreso’t senado, hamunin natin si Digong na pumanig sa mga manggagawang inaabuso. Dito natin mabibisto kung ang “contractualization must stop” ay isang pangakong pang-kuha lamang ng boto o kung seryoso’t sinsero itong paninindigan ni Rodrigo Duterte. #
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)
Marso 2017
National Office: 19 Mayaman St., UP Village, QC
FB: http://facebook.com/manggagawangpilipino | Tel: 4364307 | Email: bmp_national04@yahoo.com

https://web.facebook.com/manggagawangpilipino/posts/1313086078785333:0

No comments:

Post a Comment