Magsisimula ulit ngayong linggo ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines -- ang Leftist na grupo na may pinakamalakas na organisasyon sa Pilipinas. Ito'y dahil matapos ang maiksing panahon ng bangayan ni Joma Sison at ni Duterte, pinalaya ng pangulo ang mga bilanggong pulitikal na mga kasama ng CPP. Malapit sa CPP ang isyung ito, lalo pa't sinasabing may ilang matataas na lider ng grupo ang kabilang sa mga dating nakakulong.
Ayon sa isang praymer na inilabas ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ang usapang pangkapayapaan (peace talks) umano ay "naglalayong tapusin ang armadong tunggalian na nagaganap sa buong Pilipinas sa pagitan ng [gobyerno] at NDFP." Sa bahagi umano ng NDF, "ang pangunahing hakbang para sa pagtigil ng armadong labanan ay paglutas ng mga batayang suliranin ng mamamayan upang magkaroon ng tunay na pagbabago sa lipunan."
Sa puntong ito, kabilang sa mga pag-uusapan ngayong linggo ay ang "socio-economic reforms" at "political and constitutional reforms." Ang pinaka-layunin nito ay ang matapos na sa wakas ang laganap na kahirapan sa bansa.
Ngunit ang "social and economic reforms" ay isang masaklaw na usapin. Bahagi nito ang mga isyung pumapatungkol sa kahirapan, kagutuman, trabaho, kawalan ng lupa at tirahan, militarisasyon at iba pa. At bahagi rin nito ang usapin ng Karapatang Pantao -- isang isyu na kailanman ay hindi kinilala ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang centerpiece ng programang pang-goberyno ni Duterte ay ang Gyera Kontra Droga. Sa mga nakaraang buwan ng malawakang paglulunsad ng kampanyang ito, tila ang mga pinaka napuruhan ay ang libo-libong mahihirap na Pilipino. Daan-daan na sa kanila ang namatay -- marami rito sa mga hindi malamang sirkumstansya.
Magiging bahagi kaya ng usapang pangkayapaan sa pagitan ng gobyerno ni Duterte at ng CPP-NDF ang isyu ng Drug War? Igigiit kaya ng NDF na kailangang maghinay-hinay ang kapulisan sa pamamaslang? At kung igiit nila ito, papayag kaya si Duterte? Sa ngayon ay may ilang posibleng scenario:
• Hinding-hindi papayag dito si Duterte. At dahil sa prinsipyadong pananaw ng NDF sa usapin ng Human Rights, hindi tulad ni Duterte, ikatitigil nito ang peace talks.
• Hindi papayag si Duterte, ngunit ipagpapatuloy pa rin ng NDF ang alyansa sa kanya at tutuloy-tuloy lamang ang peace talks, basta't hindi na muling pag-uusapan ang droga. Maaaring isipin ng NDF na tutal, mukhang aprubado naman ng masa ang Gyera Kontra Droga, kahit na marami na ang nalalabag ang pantaong karapatan, kahit ang ilan pa rito'y napagkamalan lang.
Matatapos ang unang bahagi ng muling pagbubukas ng peace talks matapos ang sampung araw. Abangan ang susunod na kabanata.
No comments:
Post a Comment