(Ang orihinal na akda ay nandito.)
Nagbunga ng pag-asa at matayog na hangarin para sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pangyayari nitong nakaraang mga linggo. Ngunit kasabay nito, nagbunga rin ito ng maraming pangamba ukol sa direksyon na tinatahak nito.
Pag-asa
Ang hayagang pagtukoy at pamamahiya sa limang heneral ng pulisya na di-umano’y protektor o may kinalaman sa ilegal na droga ay isa lamang sa sunod-sunod na pagkilos ng bagong Pangulo na pumukaw ng popular na pagsang-ayon.
Pinukaw ng mabibilis na pangyayari ang pag-asa para sa bagong uri ng pamamahala. Kabilang na dito ang pangako ng administrasyon na wawakasan nito ang kontraktwalisasyon at ang pahayag na maglalabas ito ng executive order upang ipatupad ang Freedom of Information. Sa pagtatalaga ng ilang personalidad na naiugnay sa National Democratic Front sa pinakamatataas na puwesto sa Department of Agrarian Reform, Department of Social Welfare and Development, at National Anti-Poverty Commission, tila paparating na nga ang panibagong kasunduan para sa mga maralitang sektor.
Marahil ang paghirang kay Gina Lopez--kilala para sa kaniyang posisyon laban sa industriya ng pagminina--bilang pinuno ng Department of the Environment and Natural Resources ang pinakapinalakpakan ng mga non-government organizations (NGOs) at civil society. Nagdiwang rin sila nang tinira mismo ni Duterte ang kritiko ni Lopez, ang maka-minang negosyanteng si Manny Pangilinan, bilang “papet at tau-tauhan ng banyagang Salim Group, samantalang ako ang nahalal na Pangulo ng Republika ng Pilipinas!”
Tunay nga na tila hindi lamang tayo pumapasok sa isang bagong administrasyon, kundi sa isang bagong kapanahunan.
Takot
Ngunit kahalo ng pag-asa ang takot at kaba. Sa sunod-sunod na pagpaslang sa mga pinaghihinalaang drug pusher, may mga nagsusupetsa na pinatatahimik ng mga tiwaling pulis ang kanilang mga kasabwat; o na inaaksyunan nila ang senyales ni Digong na tila nagbibigay permiso sa kanilang pumatay ng mga nagtutulak at gumagamit ng ilegal na droga nang walang pakundangan para sa tamang proseso ng batas.
May implikasyon ang salita, sabi nga ng mga kampeon ng karapatang pantao. Nangangamba sila na ang mga sinabi ni Duterte noong panahon ng kampanya--na tama lang na patayin ng mamamayan ang mga drug pusher kapag nanlaban ang mga ito, o na magbibigay siya ng mas mataas na pabuya para sa patay kaysa sa buhay na kriminal--ay nakapag-umpisa ng isang alon ng vigilanteismo na makakikitil din ng mga inosenteng buhay. Ayon sa kanila, madaling lumubha ang vigilanteismo sa isang sitwasyon kung saan mapaparusahan ng ilan ang kanilang kaaway sa pagpaparatang sa mga ito bilang drug pusher.
Malagim ang mga bilang: ayon sa Philippine Association of Human Rights Advocates (PAHRA), 163 na ang napaslang mula noong eleksyon ng Mayo 9, karamihan ng mga ito mula sa mararahas na engkuwentro sa pulisya.
Sa harap ng kakaibang ugnayan na isinusulong ng bagong pamahalaang ito--mga kilos na tila nagtataguyod sa karapatang pang-ekonomiko at panlipunan ng maralita sa isang banda, at adbokasiya para sa agarang pagpaslang ng mga pinaghihinalaang kriminal sa kabila—may dalawang interesanteng tugon na lumalabas. Ang isa ay nagsasaad na hindi natin dapat masyadong pansinin ang mga extrajudicial killings o ang paglabag sa tamang proseso ng batas, dahil tapat naman ang pagsulong niya sa mga patakarang makaaabante sa kagalingang panlipunan at katayuang pang-ekonomiko ng masang maralita. Ang pangalawang tugon naman ay nagsasabing hindi indibidwal na karapatan ang dapat bigyang halaga kundi ang karapatan ng maralitang uri, at na hindi na tayo dapat mag-abala tungkol sa karapatan ng mga uring mapagsamantala o ng mga uring kriminal at lumpen.
Nakaliligalig ang mga pananaw na ito. Una, nananatili pa ring pangako ang mga repormang panilipunan at pang-ekonomiya, at maaari pa ring malusaw o mabara ang mga ito ng pakikipagkompromiso sa mga kumokontrang malalaking interes. Pero hindi ito ang pangunahing dahilan kung bakit hindi lamang mali kundi mapanganib ang mga pananaw na ito.
Tutukan muna natin ang pangalawang tugon. Kailangan lamang nating alalahanin ang binansagang “Ahos Campaign” na nakawasak sa hanay ng Kaliwa noong dekada 80 upang makilala ang teribleng kapinsalaan na naidudulot ng ganitong paniniwala. Mahigit 2,000 katao ang napatay nang walang pakundangan sa kanilang karapatan o sa tamang proseso, dahil lamang nabansagan sila na mga ahente ng naghaharing uri. Bagamat kakaunti na lamang sa mga progresibo ang naniniwala dito, hindi pa rin dapat tawaran ang patuloy na impluwensiya nito sa ilang sektor sa Kaliwa.
Tumungo naman tayo sa unang tugon. Popular na popular ang paniniwala na dapat nating bigyan ng puwang ang Pangulo sa kanyang pamamaraan sa pagtuligsa sa krimen dahila matindi naman ang suporta niya para sa katarungang panlipunan at mga reporma sa ekonomiya. Masasabi nga na ang malaking bulto ng bumoto para kay Duterte ay bumoto para sa kanya dahil sang-ayon sila sa kanyang mga masidhing pamamaraan ng pagtugon sa krimen, kasabay ng kanyang pangakong wakasan ang korupsyon at ang kanyang matinding pagkondena sa kahirapan at kawalan ng pantay na oportunidad para sa lahat.
Dahil sa mahinang record ng mga nagdaang administrasyon sa pagsugpo sa krimen at pantay na pagpapataw ng batas, madaling maunawaan kung bakit punong-puno na ang sambayanan at sumusuporta sila sa mararahas na pamamaraan laban sa droga at kriminalidad. Pero hindi porke’t popular ang marahas na pamamaraan ni Duterte ay nagiging tama ito. Oo, maaari tayong sumang-ayon sa mga tagasuporta ni Duterte na mahina ang pamamalakad ng batas, at na maraming kriminal ang nakaiiwas sa karampatang parusa. Ngunit ibang bagay na ang sabihing agarang pagpatay sa pinaghihinalaan ang tanging paraan para makakuha ng katarungan, o na hindi na kailangan pang sundan ang tamang proseso sa ilalim ng batas.
Saligang karapatan at karapatang positibo
Nang una siyang nagpahiwatig na tatakbo siya para sa pagka-Pangulo noong nakaraang taon, sinabi ko na makabubuti para sa demokrasya ang kandidatura ni Duterte dahil mapipilitan ang mga puwersang liberal at progresibo na depensahan ang isang proposisyon na matagal na nilang nakaligtaan: na ang karapatang pantao at ang tamang proseso ng batas ay nasa kaibuturan ng mga prinsipyong pinahahalagahan ng lipunang Pilipino.
Ngayon na ang panahon para tuparin ang tungkuling ito.
Madalas na tinatawag na saligang karapatan o fundamental rights ang karapatang mabuhay, karapatang maging malaya, karapatan laban sa diskriminasyon, at karapatan sa tamang proseso ng batas. Ito’y dahil isisinusulong ng mga karapatang ito ang di-matatawarang halaga ng buhay at katauhan ng bawat isa sa atin, halagang nasasa-atin sa simula’t simula, at hindi iginagawad ng Estado o ng lipunan. Madalas din silang tawaging karapatang hindi maipagkakait, o karapatang negatibo, upang ipagdiinan na walang sinumang indibidwal, korporasyon o gobyerno ang maaaring magpasawalang-bisa o bumangga sa mga karapatang ito.
May mga karapatan na ngayo’y tinatawag na karapatang positibo, tulad ng karapatang maging malaya sa kahirapan, karapatan sa pantay na oportunidad pang-ekonomiya, at karapatan sa buhay na may dignidad. Tinaguriang karapatang positibo ang mga karapatang ito na nagsusulong ng mga kondisyon na nagbubukas ng oportunidad upang mabuhay at umunlad ang isang indibidwal o lipunan sa abot ng kanilang potensyal. Ang karapatang positibo—na minsa’y kinikilala din bilang karapatang pang-ekonomiya, palipunan, at kultural—ay nagpapalawig sa ating mga saligang karapatan. Maaaring naunang nakilala at naisabatas ang mga saligang karapatan, ngunit ang mga karapatang positibo ay nararapat na extensyon ng mga saligang karapatan. Sa madaling sabi, ang mga karapatang ito ay isang kabuuan na hindi dapat ihiwalay sa isa’t-isa. Magiging marupok ang katayuan ng karapatang positibo sa isang Estado kung saan ang saligang karapatan ng buhay ay kinokontra ng pinunong diumano’y nagsusulong sa mga ito.
Demokrasyang liberal vs. kamay na bakal
Isa sa pangunahing obligasyon ng gobyerno ang pagseguro sa buhay at kagalingan ng mga mamamayan nito, ngunit maaari lamang ito matupad habang nirerespeto ang kabuuang saklaw ng karapatan ng mga mamamayan. May tensyon o tunggalian sa pagitan ng pagrespeto sa indibidwal na karapatan at pagtitiyak ng seguridad at kaayusan ng lipunan. Ang tensyong ito ang siyang nagpapakita ng kaibhan ng estadong liberal-demokratiko mula sa mga pasista, diktadurya, Stalinista o mala-ISIS na estado.
Para sa mga progresibo at liberal, isang batayang prinsipyo sa ebolusyon ng pamamahalang Pilipino ang pagkilala at pagrespeto sa mga karapatang pantao, karpatang sibil, karapatang pulitikal, panlipunan, pang-ekonomiya at kultural. Naimpluwensiyahan ang ebolusyong ito ng mga mahahalagang kaganapan sa kasaysayan ng demokrasya, tulad ng Rebolusyong Pranses at ang mga sumunod pang pandaigdigang pakikibaka laban sa kolonyalismo, pasismo at Stalinismo. Naipanalo ang mga karapatang indibidwal sa mga magkakaugnay na pandaigdigang pakikibaka laban sa mga naghaharing uri, mga imperyalistang mapaniil, dambuhalang korporasyon, at elitistang burukrasya at militar. Nagbunga ang mga pakikibakang ito ng mga kaayusang demokrasyang liberal at demokrasyang panlipunan—ang huli’y kilala sa kanilang diin sa pagtatamo ng mga karapatang poitibo, kabilang na ang unibersal na proteksyong panlipunan.
Ganunpaman, kailangang kilalanin na may kumokontra sa tulak na ito, isang pangontra na maya’t-maya ay umuusbong upang hamunin ang halaga ng karapatang pantao at karapatan ng indibidwal. Sa perspektibong ito, iniluluklok ang Estado bilang natatanging awtoridad at tagapaghatol ng kung aling mga karapatan ang maaaring matamasa ng bawat indibidwal. Itinuturing nitong mas mababa ang karapatan o kagalingan ng indibidwal sa seguridad at pangangailangan ng Estado, at ipinapalagay nito na ang tamang proseso ng batas ay nababatay lamang sa pangangailangan ng gobyerno, at hindi sa karapatan o kagalingan ng indibidwal. Ang makasaysayang perspektibong ito ang naghari sa Pilipinas noong panahon ng batas militar mula 1972 hanggang 1986, at nagbabanta itong mamayani muli ngayon, nang may suporta mula sa isang malaking bahagi ng mamamayan.
Mga panganib ng Dutertismo
Sa kasalukuyan, kinakatawan ni Pangulong Duterte ang pananaw na di-kumkilala sa unibersalidad ng karapatang pantao at tahasang ipinagkakait ang tamang proseso ng batas sa ilang uri ng mamamayan, diumano para masugpo ang kriminalidad at katiwalian. Sang-ayon ang karamihan ng mga bumoto sa kanya sa pananaw niyang ito. Sila ang nagsisilbing base ng Dutertismo, isang kilusang nakabatay sa masa ng suporta sa isang lider na kampeon ng mga kontra-liberal na pamamaraan. Sa tingin nila’y kinakailangan ang kamay na bakal upang puksain ang krimen, korupsyon at iba pang problemang panlipunan.
Ididiin ko ngayon ang tatlong puntos ukol sa tulak na ito para sa Dutertismo:
Una, hindi natin kinokontra ang layuning labanan ang krimen. Sa katunayan, sinsuportahan natin ito. Ngunit hindi ito maaaring matamo sa pamamagitan ng pagyurak sa karapatang pantao. Walang sinumang may karapatang kumitil ng buhay, maliban na lang sa pambihirang kalagayan o sa malinaw na kaso ng pagdepensa sa sariling buhay. Nararapat na matamasa ng lahat ng tao ang mga karapatang ito, at ng proteksyon mula sa Estado. Sa panahong kailangang limitahan ang mga karapatang ito para sa ikabubuti ng nakararami, kailangan ding dumaan sa isang ligal at matibay na proseso sa ilalim ng batas upang maisagawa ito. Tama nga na dapat maparusahan ang lumabag sa batas; ngunit kahit ang mga lumabag sa batas ay may karapatan, at nararapat lamang sumailalim sa tamang proseso ng batas.
Pangalawa, sa pagtanggi sa karapatan ng ilang uri ng tao—tulad ng ginagawa ni Duterte—nalalagay tayong lahat sa panganib ng walang katiyakan. Maaari ring matanggi ang karapatang ito sa iba pang mga grupo, tulad ng mga katunggaling pulitikal, o mga puwersang mababansagang nanggugulo lamang, tulad ng mga kumikilos laban sa ilang patakaran ng gobyerno, o di kaya’y mga manggagawa na nagsa-strike para sa mas maayos na pasahod. Tandaan na noong kandidato pa lang siya, nagbanta si Duterte na papatayin niya ang mga manggagawa na kokontra sa kanyang plano para sa ekonomiya, at pinaratangan ang lahat ng mga mamamahayag na napatay bilang mga tiwali na tumamo lamang ng nararapat sa kanila. Hindi yun simpleng sabi-sabi lang.
Pangatlo, isang kabuuang hindi maipaghihiwalay ang ating mga karapatan. Ang anumang patakarang diumano’y nagsusulong ng karapatang positibo at seseguro sa kagalingang pang-ekonomiya o panlipunan ng mga mamamayan ay madaling mababawi o mababasag kung hindi kinikilala na nagmumula at nakabatay ang mga ito sa pundamental nating karapatan sa buhay. Isang malaking kontradiksyon ang pagsulong sa karapatang positibo habang kumukontra sa saligang karapatan. Ang sabihing palalayain kita mula sa eksploytasyon ngunit magpapatuloy lamang ang buhay mo batay sa mabuti mong asal ay isang kabalintunaan na hindi maaaring maipagtanggol magpakailanman. Ito ang kontradiksyong nagtulak sa pagwawakas ng mga Stalinistang estadong sosyalista ng Timog Europa.
Kritikal na oposisyon
Tinulak ang kampanya at programa ni Duterte ng kanyang pagmamaliit sa karapatang pantao at paghamak sa halaga ng tamang proseso ng batas. May malaking pagkakabiyak sa ating bansa sa pagitan ng mga kumakampeon para sa karapatang pantao at sa mga tumatanggi sa halaga nito. Dahil dito, puwersado tayong naniniwala sa pundamental na halaga ng karapatang pantao na maging kritikal na oposisyon sa administrasyong ito.
Ang pagiging oposisyon ay hindi nangangahulugan ng pagtanggi na lehitimo ang administrasyong ito. Nangangahulugan ito ng pagkilala sa resultang idinulot ng halalalan, habang nagpapahiwatig ng di-pagsang-ayon sa platapormang nagpanalo dito—ang pagpigil sa krimen at korupsyon sa pamamagitan ng agarang pagpaslang at paglabag sa tamang proseso ng batas.
Totoong mahirap na komontra sa isang popular na administrasyon. Kaya nga’t dapat nating purihin ang mga tunay na kampeon ng karapatang pantao tulad nina Rep. Teddy Baguilat at Edcel Lagman, na nanindigan para sa mga prinsipyong ito at nagdeklara ng sarili nila bilang kabahagi ng minorya sa Kongreso. Ito’y kahit na ang karamihan ng kanilang mga kasama sa Liberal Party ay bumalimbing na at sumakay sa Duterte bandwagon upang makibahagi sa pabuya ng kandidatong dati’y katunggali nila. Higit sa kanilang dating kapartido, alam nina Baguilat at Lagman na panandalian lamang ang popularidad, at hindi karapat-dapat na banggain ang pinaninidigan mong prinsipyo para lamang makisakay dito.
Sa harap ng pagkalusaw ng matibay na oposisyon sa Kongreso at Senado, ng di-mawaring posisyon ng Korte Suprema, at ng katahimikan mula sa burukrasya (maliban na lang sa Commission on Human Rights), kailangang manggaling ang gulugod ng oposisyon sa hanay ng civil society.
Hindi nangangahulugan ang oposisyon ng pagsalungat sa lahat-lahat. Nangangahulugan ito ng kritikal na oposisyon, kung saan maaaring magpahayag ng suporta para sa mga positibong patakaran na iminumungkahi ng administrasyon, habang pinapanatili ang estratehikong pagkontra sa paglabag nito sa mga pundamental na prinsipyo. Sa madaling sabi, dapat lamang na suportahan nang buong-buo ang mga patakaran tulad ng repormang agraryo, pagwawakas sa kontraktwalisasyon, pagpapatibay ng Freedom of Information, at pagpipigil sa mapaminsalang industriya ng pagmimina—dahil ang mga ito ay mga progresibong prayoridad na makatutulong sa ikabubuti ng sambayanan at ng kalikasan. Ngunit ang mga saligang karapatan ay pundamental na karapatan, at habang ipinapanganib ang mga ito ng pilosopiya at pulitika ng kasalukuyang administrasyon, marapat lamang na manindigan tayo sa ating oposisyon dito, kahit pa sinusuportahan natin ang mga programang nagsusulong sa mga karapatang positibo ng mga maralita.
Gaano man kahalaga ang pagdepensa sa mga pangunahing prinsipyong ito, hindi ito ang natatanging dahilan para mapabilang sa oposisyon. Ang isang masigasig na oposisyon ang isa sa pinakamahusay na depensa ng demokrasya, dahil wala na marahil pang mas makawawasak sa demokrasya kaysa sa pagtipon ng poder sa ilalim ng iilan o ng iisang lider. Sa ganang ito, naniniwala ako sa Pangulo nang sinabi niya na wala siyang intensyong manatili sa poder nang lagpas sa anim na taon. Ngunit kung may natutunan tayo sa pulitika, ito na siguro iyon: ang pinakabusilak na intensyon ay madaling masuhulan ng sukdulang kapangyarihan. Kabalintunaan mang isipin, ang pinakamahusay na paraan para tulungan si Pangulong Duterte na tuparin ang kanyang pangako ay ang pagbibigay sa kanya ng matalino at masigasig na oposisyon.
Sa huling suma, ang isang matibay na oposisyon na nakabatay sa pagdepensa sa karapatang pantao ang pinakamainam na paraan para maseguro ang pagpapatuloy ng isang demokratikong Pilipinas.
*Isinalin sa Pilipino ni Cecile Ochoa
No comments:
Post a Comment